menu
News Prime News Feed April 7
News Prime News Feed April 7
Mga balita nakalap ng iBS Media sa pag tutulungan ng Central Luzon Balita at Radyo Kalusugan

Seguridad ng bansa, pinoprotektahan ng Pangulong Duterte ayon sa Malakanyang

Tiniyak ng Malacañang na palaging pinoprotektahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang teritoryo ng Pilipinas at pananatilihin ang national interest ng bansa.

Kasunod ito ng ulat na isang barko ng China ang nagmamasid sa joint military exercise ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, nalaman na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing aksyon ng China at malinaw na paglabag ito sa national sovereignty.

Aniya, ipinatawag na rin ng DFA ang Chinese ambassador para maghain ng diplomatic protest hinggil sa insidente.

Nauna nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na isang Chinese electronic at reconnaissance ship na PLAN 792 ang umaaligid sa Sulu Sea.

Ilegal aniya na pumasok ang nasabing barko sa katubigan ng bansa noong January 29 hanggang February 1, 2022 at nakarating pa sa Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.

 

P236.7 billion kada taon, malilikom ng gobyerno kung bubuwisan ang mga assets ng mga bilyonaryo sa bansa – Makabayan bloc

Muling umapela sa gobyerno ang Makabayan Bloc sa Kamara na buwisan na ang mga assets ng mga bilyonaryo sa bansa.

Giit ng grupo, sa kabila ng pandemya ay lalo pang lumobo ang mga kayamanan ng mga Filipino billionaires.

Sa halip na buwisan ang mga lalong yumayaman ay mas prayoridad umano ng Duterte administration ang pagbabawas sa corporate income taxes ng mga malalaking kompanya na pagmamay-ari ng mga bilyonaryo sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprise o CREATE Law.

Punto ng Makabayan, sa ganitong panahon ng pandemya at pagbagsak ng ekonomiya ay dapat na i-refocus ang pagbubuwis na mas dapat ipinapataw sa mga kayang magbayad nito at hindi sa mga manggagawang nabibigatan na sa epekto ng krisis.

Bunsod nito ay agad pinaaaksyunan ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite sa Kamara ang inihain nilang House Bill 10253 o Super Rich Tax.

Sa nasabing Super Rich Tax bill, aamyendahan nito ang National Internal Revenue Code kung saan pinapatawan ng 1% tax ang mga mayayamang may assets na higit sa P1 billion, 2% na buwis naman para sa mga may higit P2 billion at 3% tax sa higit P3 billion ang kayamanan.

Kung maipapatupad, inaasahang makakalikom ang gobyerno ng P236.7 billion kada taon.

 

Hirit na house arrest ng dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, pinag-aaralan pa ng Senado

Wala pang aksyon ang Senate Blue Ribbon Committee sa hirit na house arrest ng mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Mohit Dargani at Lincoln Ong na apat na buwan ng nakakulong sa Pasay City Jail.

Ayon sa komite, pinag-aaralan pa ng mga senador ang nasabing kahilingan nina Dargani at Ong.

Sina Dargani at Ong ay ipinakulong ng mga senador sa Pasay City Jail dahil sa hindi nila pagsumite sa Senado ng mga dokumento ukol sa financial statements ng Pharmally at sa pagbili dito ng gobyerno ng pandemic supplies.

Paliwanag ng kanilang mga abogado, nahihirapan na sina Dargani at Ong sa kulungan, gayong hindi pa naman sila nalilitis sa korte at nahihirapan na rin kanilang pamilya sa sitwasyon.

 

Pamahalaan, pinayagan ang antigen test result bilang requirement sa pagpasok ng mga biyahero sa bansa

Maaari ng makapasok sa bansa ang mga biyahero sa pamamagitan lamang ng pagpresenta ng antigen test.

Ito ay kasunod ng pagpapahintulot ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa paggamit ng rapid antigen test na isinagawa ng healthcare professionals bilang entry requirement para sa mga travelers.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, dapat na ang ipapakitang antigen test ay administered at sertipikado ng heathcare professionals sa isang healthcare facility, laboratoryo, clinic, parmasiya o iba pang kaparehong establishimento mula sa pinagmulang bansa ng biyahero.

Liban pa dito, dapat na ang mga banyagang papasok sa bansa ay fully vaccinated laban sa COVID-19 at dapat na may maipresentang proof of vaccination.

Kaugnay nito, inaprubahan din ng inter-agency task force ang mga vaccination certificates mula sa Bangladesh, Mexico, panama at Slovak Republic.
 
 

Hirit ng DOH na gawing mandatory ang pagpapabakuna laban sa COVID-19, pinalagan ng isang senador

Pinalagan ni Senador Aqulino Pimentel Jr. ang hirit ni Health Secretary Francisco Duque III na gawin ng Kongreso na mandatory ang pagpapaturok ng dalawang doses at booster ng COVID -19 vaccine.

Ayon kay Sen. Pimental, hindi tama at hindi makatwiran ang hirit ni Duque at labag ito sa Konstitusyon.

Diin ni Pimentel, kinikilala ng Saligang Batas ang karapatan natin sa ating katawan o sa ating kalusugan kaya hindi maaring gawing legal na ipilit sa atin ang COVID-19 vaccine na tinatayang may 1.5% na mortality rate.

Ipinaliwanag din ni Pimentel na nananatili pang experimental ang bakuna kontra COVID-19 kaya scientifically hindi dapat itong gawing mandatory.

Giit pa ni Pimentel, mas lalong unethical at immoral na gawing mandatory ang bakuna at booster kontra COVID-19 batay lang sa dahilan na milyun milyong doses nito ang malapit ng mag-expire at sa pangamba na may mapuna dito ang Commission on Audit.

 

Pamahalaan, planong magtakda ng deadline para makapagpa-booster shot ang publiko

Magpapatupad ng mga hakbang ang pamahalaan upang mabawasan ang mobility ng mga indibidwal na hindi pa nakakatanggap ng booster shot.

Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion na nagkausap na sila ni Health Sec. Francisco Duque III kung saan lilimitahan ang kilos o mobility ng mga hindi pa nakakatanggap ng booster shot.

Ani Concepcion, maaaring hindi na mapayagan na makakain sa mga restaurant o makapasok sa enclosed establishments ang mga hindi pa natuturukan ng booster dose.

Pero paliwanag nito, hindi naman agad-agad ito ipatutupad ng pamahalaan bagkus bibigyan ng sapat na panahon ang publiko pero magtatakda rin ng deadline ang gobyerno.

Nabatid na sa 66.3-M mga Pilipino na fully vaccinated nasa 12.2M pa lamang ang naturukan ng booster shot.

 

Selebrasyon ng Ramadan, maaaring magdulot ng COVID-19 surge sa BARRM

Nababahala ang World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) na posibleng magdulot ng COVID-19 surge sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang selebrasyon ng Ramadan.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., mababa kasi ang vaccination coverage ng BARMM kaya nababahala sila dahil libo-libong Muslim ang nasa Mosque para sa naturang selebrasyon simula noong April 3.

Aniya, ang mababang rate ay maaaring dahil sa “demand issues at vaccine preference dahil may ilang residente ang naniniwala na ang ilang COVID-19 vaccine brands ay hindi halal o ‘religiously acceptable.’

Sa datos ng National Vaccination Operations Center (NVOC), nasa 957,766 lamang ang fully vaccinated sa naturang rehiyon kung saan mababa ito sa higit 3 milyong target na mabakunahan habang nasa 78,643 lamang ang mga nakatanggap ng booster shot.

Samantala upang makatulong sa pagtaas ng vaccination rate sa rehiyon, gagamitin ng Bangsamoro government ang mga mga masjid at mosque bilang COVID-19 vaccination sites.

 

Mga lugar sa NCR at CAR na nasa ilalim ng granular lockdown, bahagyang tumaas ayon sa DILG

Kinumperma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na muling tumaas ang bilang ng mga lugar sa bansa na isasailalim sa granular lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Año, umakyat na sa 16 ang mga lugar na isinailalim sa granular lockdown mula sa 11 noong nakaraang linggo.

Pinakamarami rito ay ang National Capital Region (NCR) na may 11 at sinundan naman ito ng Cordillera Administrative Region (CAR) na may 5.

Samantala, bumaba naman sa 32, 165 ang naitalang hindi nagsusuot ng facemask habang 6,935 naman ang mga lumabag sa physical distancing at 43 ang mga lumabag sa mass gatherings sa mga lugar na nasa Alert Level 2.

 

Publiko hinikayat na magpabakuna bago pa man ma-expire ang mga ito

May sapat na panahon pa ang publiko para magpabakuna laban sa Corona virus.

Ito ang binigyang diin ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion kasunod nang nakatakdang pagkapaso ng 27-M doses ng mga bakuna sa Hulyo.

Paliwanag ni Concepcion sa Hunyo o Hulyo pa naman mapapaso ang ibang mga bakuna kaya’t dapat na itong samantalahin ng ating mga kababayan.

Pakiusap ni Concepcion na huwag naman sanang sayangin ng publiko ang gumagandang sitwasyon ngayon kung saan nakakabalik na ang sigla ng mga negosyo maging ng ating ekonomiya.

Aniya, mahalagang magpaturok ng 3rd dose o booster shot lalo na’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Kailangan din aniyang mapaghandaan ang mga bagong variants tulad ng Omicron XE kaya napakahalaga aniya na magamit ang mga bakuna bilang booster shots bago pa man ito mapaso sa Hulyo.

 

Malakanyang, walang aksyon sa hirit na i-recall ang appointment ng ilang opisyal ng POEA

Hindi pang aksyon ang Malakanyang sa rekomendasyon ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Abdullah Mama-O na i-recall ang appointment ng mga opisyal ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Ito ay kasunod ng pagiging isa nang tanggapan ng pamahalaan ang DMW na tumutugon sa pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Pero ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, hindi pa naman ganap na buo ang Department of Migrant Workers.

Sa liham ng ipinadala ng kalihim, sinabi nito na kailangan munang maabot ang ilang kondisyon para sa ganap na pagbuo sa bagong departamento.

Kabilang na dito ang pagkakaroon ng budget ng tanggapan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.

Kailangan din ang isang epektibong implementing rules and regulations at ang staffing pattern para sa departamento.

 

Comelec, pinayagan na ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper

Pinayagan na ng Commission on Election (Comelec) ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper na naapektuhan ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ito ay matapos na bigyan ng Comelec ng exemption ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa election spending kaugnay ng distribusyon ng fuel subsidy.

Gayunman, nilinaw ni Comelec Commissioner George Garcia na may mga kundisyon na binigay ang poll body sa pagpapatupad sa nasabing programa.

Kabilang dito ang parameters ng pagpapatupad ng programa at kung paano ang paraan ng pag-apply ng target beneficiaries’ para sa tulong-pinansyal.

Una nang pinatigil ng Poll body ang pamamahagi ng LTFRB ng fuel subsidy matapos pumasok ang election spending ban noong March 25 hanggang May 8.

Ilan ding mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang lokal na pamahalaan ang nabigyan ng Comelec ng exemption sa election spending ban.

 

Comelec, tiwalang marami ang makikilahok sa absentee voting

Malaki ang paniniwala ni Comelec Commissioner George Garcia na marami sa mga Pilipino ang makikibahagi sa isang buwang Overseas Absentee Voting sa iba’t ibang panig ng mundo kompara noong 2019 midterm election.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec Commissioner Garcia na aabot sa 1.7 milyong kababayan sa ibang bansa ang makikilahok at kauna-unahang boboto sa mga kandidatong napupusuan sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Kabilang dito ang pangulo, bise presidente, 12 senador, at Party-list group.

Dalawa aniya ang paraan upang makaboto ang mga Overseas Filipino Worker- una ang pagtungo sa embahada o konsulada ng Pilipinas at ang pangalawa ay ang pagpapadala sa kanila ng mga gagamiting balota bago isusumite sa embahada o konsulada ng bansa.

Nagkakaroon din aniya ng konsiderasyon ang Comelec sa mga bansang mayroong mataas na kaso ng Coronavirus Disease gaya ng Hong Kong, China at mga bansang mayroon kaguluhan.

Magsisimula ang overseas absentee sa darating na April 10.

 

Overseas voting sa 7 bansa, planong suspendihin ng Comelec

Plano ng Commission on Elections (Comelec) na suspendihin ang overseas voting sa ilang mga bansa.

Ayon kay Comelec commissioner Marlon Casquejo, ang Iraq, Algeria, Chad, Tunisia, at Libya ay kabilang sa mga ikinokonsidera, dahil ang mga assigned posts sa naturang mga areas ay walang capacity na magsagawa ng voters’ registration at ng actual polls.

Batay sa datos ng Comelec, mayroong tatlong rehistradong Pilipinong botante sa Iraq, 46 sa Algeria, isa sa Chad, anim sa Tunisia, at 27 sa Libya.

Sa Afghanistan na may 27 botante at Ukraine na may 15, sinabi ni Casquejo na ang patuloy na mandatory repatriation ay nakakaapekto sa paghahanda para sa overseas elections doon.

Sa kabuoan, may 127 Filipino overseas voters sa pitong mga bansa ang apektado sa naturang development.

Samantala, ang scheduled April 10 overseas voting sa Shanghai, China ay sinuspende dahil sa nagpapatuloy na COVID-19 outbreak sa lungsod, kung saan nasa 1,600 registered voters ang apektado.

 

Pulitikong sangkot sa vote buying, ipakukulong ng Comelec

Nagbanta ang Commission on Elections na pananagutin nito ang mga pulitikong mapatutunayang namimili ng boto.

Sinabi ni Commissioner George Garcia na mahaharap ang isang kandidato sa pagkakakulong ng hanggang sa anim na taon.

Maliban pa ito sa disqualification at iba pang offenses na kahaharapin ng kandidatong napatunayan na sangkot sa vote-buying.

Tiniyak naman ni Garcia na sakali mang mapatagal ang pagproseso sa kaso at naabutan na ng resulta ng eleksyon, may kapangyarihan pa rin aniya ang Comelec na magpatanggal ng mga mananalong local officials.

Samantala, nanawagan naman ito sa mga magiging complainant na ‘wag i-atras ang isasampa nitong reklamo nang sa gayon ay mabuo ang ebidensya laban sa akusadong kandidato.

Sa ilalim ng anti-vote buying task force, sanib puwersa ang iba’t ibang ahensya ng Gobyerno sa pagtugis ng mga kumakandidatong namimili ng boto.

Kabilang sa bumubuo nito ay ang Comelec, Department of Justice, National Bureau of Investigation, Public Attorney’s Office, Presidential Anti-Corruption Commission, at Philippine National Police.

 

DILG, iniimbistigahan ang ‘financial assistance’ na ipinapamigay sa panahon ng eleksyon

Iimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang umano’y mga financial assistance na ipinapamigay sa mga mamamayan sa araw ng kampanya ng mga kandidato.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mayroon lamang mga iilang ayuda mula sa gobyerno na maaaring makuha sa panahon ng eleksyon katulad na lamang ng 4Ps na ibinibigay sa mga mahihirap na pamilya.

Gayunman, sinabi ni Año na kinakailangan ng clearance mula sa Commission on Elections (Comelec) bago ibigay ang naturang tulong katulad ng fuel subsidy para sa mga tsuper at ilang manggagawa sa bansa.

Samantala, panawagan ng kalihim na kumpletuhin ang mga detalye na ini-rereport sa kanila para mas maging matibay ang ibidensya kaugnay sa panukalang Task Force Konta-bigay.

 

Hirit ng mga guro na magtatrabaho sa May 9 elections, inaprubahan ng DepEd

Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang hirit ng mga guro na kalahok sa halalan sa Mayo.

Ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, bukod sa tinaasan ang honoraria ay mayroon ding dagdag benepisyo na matatanggap ang mga guro sa pamamagitan ng allowances sa transportasyon, komunikasyon at COVID-19.

Aniya, ang bawat Electoral Board chairperson ay makakatanggap na ng ₱7,000 mula sa dating ₱6,000.

Nasa ₱6,000 naman ang matatanggap ng bawat Electoral Board members, ₱5,000 sa bawat DepEd supervisor official at ₱3,000 sa bawat support staff.

Sinabi pa ni Sevilla na ang mga tauhan na itatalaga sa panahon ng halalan ay tatanggap ng ₱2,000 transportation allowance, ₱1,500 na communication allowance at anti-COVID-19 allowance na ₱500.

Bukod dito, mayroon din aniyang naka-stand by na medical at accident insurance para sa mga guro.

Batay sa Commission on Elections Resolution No. 10727, ang honoraria at allowance ay dapat bayaran sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng halalan.

 

Mga gurong isasabak sa halalan, isinailalim na sa training ng DepEd

Nagsimula na ang Task Force Election ng Department of Education (DepEd) sa pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa para isailalim sa training o pagsasanay ang mga gurong magsisilbing electoral board para sa eleksyon 2022.

Sa public press briefing, sinabi ni Education Undersecretary Alain Pascua na nitong nakalipas na Marso sila nagsimulang magsanay ng mga guro.

Ayon kay Pascua, 320,000 mga guro sa buong bansa ang sasabak sa eleksyon sa Mayo.

Aniya, mayroon ding hiwalay na orientation ang mga guro na isinagawa naman ng Commission on Elections (Comelec).

Dito ipinauunawa sa mga guro ang kanilang magiging tungkulin at ang mga regulasyong ipinatutupad ng komisyon para sa pagsasagawa ng eleksyon sa May 9.

 

CBCP, ipinagtanggol ang pakikialam ng simbahan sa pulitika

Idinipensa nina Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Kalookan bishop at Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) President Pablo Virgilio David ang pakikialam ng simbahan sa pulitika.

Ayon kay David, ang ginagawa raw ng mga pari ay upang gabayan ang taongbayan sa tama at wastong iboboto na siyang mamamahala sa buong bansa.

Ang pahayag ay isinagawa sa “Solidarity Mass for the Moral Choice” na ginanap sa National Shrine of the Mother of Perpetual Help (Baclaran Church).

Liban sa maraming mga mananampalataya na dumalo sa tinaguriang “Baclaran day,” ilan mga kaparian at mga obispo ang nakibahagi sa selebrasyon ng banal na misa na pangunahing may kaugnayan sa nalalapit na national at local elections sa Mayo 9.

Sa sermon ni Bishop David nanawagan ito na magkaisa ang lahat at iboto ang maka-Diyos na kandidato.

Hinimok nito ang lahat na makilahok at labanan ang kasinungalingan at hindi lang aasa sa resulta ng survey, social media, disinformation o ang pagboto ng mga popular na kandidato.

Huwag din daw iasa sa iba ang kinabukasan ng bansa kaya kailangan daw na kumilos ang lahat.

Muli ring ipinanawagan ng simbahan sa mahigit 60 million Filipino voters na bomoto ng tama at piliin ang God fearing candidates na may mabuting puso.

 

Bilang ng mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, mahigit 2,800 na

Umabot na sa 2,803 na pamilya o katumbas ng 9,563 na indibidwal ang naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa nasabing bilang, 1,192 na pamilya ang nasa mga evacuation center habang 1,253 na pamilya naman ang nakikituloy pansamantala sa kanilang mga kamag-anak.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista, sa kabuuan, 2,445 na pamilya o katumbas ng 8,335 na indibidwal ang maituturing na displaced population

Aniya, nakapaghatid na rin sila ng P1.712 milyon halaga ng family food packs, ready-to-eat food, hygiene kits at assistance to individuals in crisis situation sa mga apektadong residente.

Tiniyak din ni Bautista na sakaling lumalala pa ang sitwasyon ng Bulkang Taal, mayroon silang stand-by fund na P1.194 billion para pandagdag tulong.

 

Krimen sa bansa, tumaas ayon sa PNP

Aminado ang Philippine National Police (PNP) na tumaas ang bilang ng mga krimen na naitatala sa bansa mula nang ilagay sa maluwag na Alert Level 1 ang maraming mga lugar.

Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP)-Directorate for Investigation and Detective Management and Crime Research Analysis Center, tumaas ng 5.61 percent o katumbas ng 1,584 ang mga krimen na naitala sa bansa mula February 22 hanggang March 22, 2022.

Lumalabas kasi na 29,798 ang kabuuang bilang ng krimen na naitala noong March 22 mataas kumpara sa 28,214 noong February.

Matatandaang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na dahil sa mas maluwag na restrictions ang dahilan sa pagtaas ng krimen tulad ng pagnanakaw.

Kaya naman ay pinag-iingat ng PNP at DILG ang publiko sa kanilang paligid lalo na sa mga nagpupunta sa matataong lugar.

 

CIDG-SITG, unti-unti ng nakakakuha ng lead sa pamamaril sa Customs lawyer

Unti-unti nang nakakabuo ng imahe ang CIDG- Special Investigation Task Group (SITG) sa pamamaril sa isang Custom lawyer ng Bureau of Customs sa Pasay City.

Lumilitaw kasi sa imbestigasyon ng pinagsanib na puwersa ng PNP at NBI na iisang baril lang ang ginamit ng salarin sa 3 tauhan ng BOC na tinambangan.

Sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na batay sa isinagawang cross-matching sa mga bala ng baril na nakuha sa lugar ng insidente, nagtugma ang 9mm na baril na ginamit din sa 3 pang insidente ng pamamaril sa Rizal nuong January 7, January 14 at February 11.

Ayon kay Fajardo, anim na ang tauhan ng BOC na pinuntirya mula noong Disyembre at ilan sa mga biktima ang nasawi.

Magugunitang tinambangan si Atty. Samuel Zapata habang sakay ng kaniyang puting SUV ng dalawang salaring magka-angkas sa motorsiklo habang binabagtas ang bahagi ng Macapagal blvd. sa Pasay City noong Lunes.

 

LTO, nangangailangan ng P2.6-B para maproduce ang 12M motorcycle plates

Umaasa ang Land Transportation Office (LTO) na makakakuha ng karagdagang pondo, dahil kailangan pa nila na ma-produce ang 12 million na motorcycle plates, para matugunan na ang backlog.

Muling binigyang diin ni LTO Chief Asec. Edgar Galvante na kailangang ma-manufacture ang mahigit 18 milyon na motorcycle plates hanggangs a Hunyo nitong taon.

Sa ngayon, nasa 6 million plates palang umano ang kanilang nagagawa.

Sinabi ni Galvante na iminungkahi nila sa Department of Budget and Management na ikonsidera nilang isama ang nasa P2.6 billion para magawa na ang backlog sa plaka ng mga motorsiklo.

 

DA, humihingi ng ‘police power’ kontra smuggling

Humihirit si Department of Agriculture (DA) Undersecretary Fermin Dantes Adriano na bigyan sila ng ‘police power’ kung saan maaari silang makapag-file ng kaso laban sa mga smugglers.

Ayon kay Adriano sa ngayon  kasi ay tanging ang Bureau of Custom (BOC) ang otorisadong magsagawa ng naturang kapangyahiran ayon sa batas.

Matatandaang maraming magsasaka ang apektado ng smuggling kung saan mas mura itong ipinagbibili sa merkado at marami sa kanila ang nawawalan ng kita.

Samantala, sa ngayon ay iniimbistigahan ng DA ang umanoy pagkakasangkot ng ilan sa kanilang empleyado sa technical smuggling.

 

Presyo ng trigo sa bansa, mahigpit na pinababantayan sa pamahalaan

Mahigpit na pinababantayang ng Kamara sa pamahalaan ang presyuhan ng “wheat” o trigo sa ating bansa.

Ang aksyong ng House Committee on Ways and Means ay hinggil sa posibleng magtaas na sa susunod ang presyo ng mga tinapay at iba pang baked goods, dahil sa inaasahang kakulangan sa suplay ng trigo partikular sa darating na Mayo.

Paliwanag ng mga miyembro ng komite, ito ay epekto pa rin ng tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, na nakaka-apekto sa global wheat supply.

Ang mga nabanggit na bansa kasi ang dalawa sa pinakamalaking wheat supplier sa buong mundo.

Dahil sa nagpapatuloy na krisis, pinatitiyak ng Kamara sa gobyerno na mayroong sapat na supply o imbak ng trigo sa bansa.

Sa ngayon ay naghahanap na rin ang Department of Science and Technology o DOST ng mga alternatibo sa trigo.

 

8 pulis na miyembro ng CIDG Anti-Organized Crime Unit, pinasisibak sa serbisyo ng PNP-IAS

Pinasisibak serbisyo ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) kay PNP Chief General Dionardo Carlos ang walong pulis na miyembro ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Organized Crime Unit dahil sa kasong robbery sa Angeles, Pampanga nitong buwan ng Pebrero.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, hindi legal ang buy bust operation na isinagawa ng walong pulis sa halip intensyon lamang ng mga itong magnakaw.

Nitong Martes ay isinumite nang PNP-IAS sa Directorate for Personnel and Records Management ang kanilang rekomendasyon.

Kabilang sa pinatatanggal sa serbisyo ay sina, Police Maj. Ferdinand Mendoza, Police Staff Sgt. Mark Anthony Iral, Police Staff Sgt. Sanny Ric Alicante, PCpl. John Gervic Fajardo, PCpl. Kenneth Rheiner Delfin, Pat. Leandro Mangale at Pat. Hermogines Rosario Jr.

Matatandaang tinangay ng mga pulis na ito ang pera, alahas at cellphone ng mga biktima na nagkakahalaga ng ₱3 milyon.

 

What's your reaction?

Comments

https://www.roybato.com/assets/images/user-avatar-s.jpg

0 comment

Write the first comment for this!

Facebook Conversations

Disqus Conversations